Sa Mundo ng mga Diyamante

[i submitted this to mrs. ligaya rubin for my malikhaing pagsulat 10 class. its supposed to be a story for children, but im open to scrutiny that it doesnt fit for the category. its also a little longer than the other short stories, but i sincerely think its too short to convey the exact message.]

Nakasimangot si Popoy habang pinapanood niya ang kaniyang nanay sa pagkusot nito ng nilalabhang pulang palda. Nakaramdam siya ng matinding awa para rito at nangarap na, balang araw, tutulungan din niya ang kaniyang nanay.

Si Popoy ay magiging labindalawang taong gulang sa susunod na taon. Maliit siya, payat, at kayumanggi, tulad ng karamihan sa mga batang nakatira rin sa Barangay San Antonio. Masipag siya at hindi nagpapahuli sa mga aralin sa klase, subalit nahihirapan din siyang mag-aral nang matino dahil kadalasan ay kandila lang ang ilaw niya sa kaniyang kuwarto.

Nag-iisang anak si Popoy ng isang labandera at tsuper ng dyip, sina Aling Emma at Mang Boy. Parehong responsable ang mga magulang ni Popoy, subalit dulot ng mababang suweldo ng kanilang mga trabaho, hindi na nakaangat mula sa kahirapan ang kaniyang pamilya. Nanatili silang nakatira sa isang napakaliit na bahay.

“‘Nay,” tawag ni Popoy, matapos pigain ng kaniyang nanay ang pulang palda. “Inaya po ko nina Nene at Dong. Maglalaro lang po kami sa labas.”

“Tuwing Sabado na ‘yan a. Bilisan niyo, darating na ang Tatay mo. Bumalik ka bago maghapunan,” sabi ni Aling Emma.

Tumango si Popoy at saka umalis. Sa kaniyang paglalakad, napatingala si Popoy at nakitang madilim ang langit. Dinalian ni Popoy ang paglalakad nang hindi maabutan ng parating na ulan ang paglalaro nila nina Nene at Dong.

Matatalik na kaibigan ni Popoy sina Nene at Dong. Si Nene ay isang mahinhing babae, sampung taong gulang, at si Dong naman ay isang napakakulit na lalaki, labintatlong taong gulang. Madalas silang maglaro tuwing Sabado ng patintero, kasama ang iba pang kabataan ng Barangay San Antonio. Alas tres pa lang ng hapon ay nagkikita-kita na sila sa Kalye Pinya at doon naglalaro. Walang kotseng dumadaan sa Kalye Pinya dahil liblib itong kalye sa barangay, kaya naman dito lang pinapayagang maglaro sina Popoy.

“Ang tagal mo,” bati ni Dong mula sa grupo ng mga manlalaro nang makarating na si Popoy.

Sorry,” sabi ni Popoy habang nagkakamot ng ulo. “Si Nanay kasi, tinulungan ko lang magbuhat ng labahin.”

“Ayos lang ‘yon,” sabi naman ni Nene mula sa likod ng balikat ni Dong. “Tara!”

Sa hudyat na ito, agad na nagjak-en-poy sina Dong at Robert, isa ring madalas na kalaro nina Popoy ng patintero. Nanalo si Robert gamit ang gunting; ibig sabihin, sina Popoy, Nene, at Dong ang unang taya at ang magiging harang sa laro. Pumuwesto na agad ang tatlo ayon sa linyang ginuhit nila sa gitna ng kalsada. Unang harang palagi si Nene dahil mabagal siyang gumalaw, ikalawang harang si Popoy, at huling harang naman si Dong dahil maliksi siya. Pumosisyon na rin sina Robert, Mirna, at Toto sa harapan ni Nene. Binigay ni Robert ang senyas kay Dong matapos makapaghanda, at saka nag-umpisa ang laro. Mabilis nakalusot sina Mirna at Toto kay Nene, pero nahuli rin agad ni Popoy si Mirna at ni Dong si Toto. Subalit habang nagkakagulo sila, mabilis na natakasan ni Robert ang lahat ng harang, kahit nahuli siyang pumasok kina Mirna. Nakalusot na ang isa sa grupo, kaya panalo na sina Robert.

“Ang bilis mo talaga, Robert!” puri ni Nene.

“Ako pa!” mayabang na sagot ni Robert. “O, dali, palit na.”

At nagpalit nga ng taya ang laro. Madilim na nang natapos sila at nawalan na sila ng malay kung nakailang puntos na ang bawat grupo. Hindi naman ‘yon ang mahalaga para sa kanila. Nagbigayan ng paalam ang bawat isa at saka nagsimulang maglakad pauwi sina Nene, Dong, at Popoy.

Ilang sandali lang ang nakalipas ay nagkatotoo nga ang hula ni Popoy. Bumagsak ang malalaking patak ng ulan mula sa langit. Subalit lalo pang ikinatuwa ito ng mga bata. Walang muwang sa suliranin ng sakit, nagtampisaw sila sa putik sa kalsada. Tumawa sila sa mga eksenang isinadula ni Dong mula sa Dragonball Z. Magaling kasing umarte bilang Frieza si Dong. “Hindi ka makakawala, Goku!” sigaw ni Dong, habang nakatapat ang palad kay Popoy, kunwaring may enerhiyang binubuo mula sa wala.

“Ha! ‘Yan ang akala mo!” sagot naman ni Popoy. “Super sayan!” Tumalsik si Dong sa lakas ng puwersang inilabas ni Popoy. Isa rin itong talento ni Dong. Magaling siyang tumalsik nang walang nagpapatalsik sa kaniya.

Halos kalahating oras silang naglaro at nagtawanan sa malakas na ulan, hanggang sa datnan sila ng isang matandang lalaki. May itim na payong siyang hawak na nagkukubli sa mukha niya. Mukhang napakayaman ng matanda sa kaniyang suot na itim na amerikana at dalang eleganteng baston. “Magandang gabi sa inyo,” bati ng lalaki. “Hindi ba kayo hinahanap ng mga magulang ninyo?”

“Pauwi na rin po kami,” sabi ni Popoy.

“Sa ganitong lakas ng ulan? Magkakasakit lang kayo!” sabi ng lalaki. “Alam niyo kung ano ang kailangan niyo? Isang mangkok ng napakainit na lugaw. Mayroon ako sa bahay ko. Gusto niyo?”

Nagulantang ang tatlo sa imbitasyon ng matandang lalaki. Kabado ang mga mukha nila at agad nilang pinagdudahan ang kabaitan ng lalaki. “Hindi na lang ho, salamat,” sabi ni Popoy. “Pauwi na rin po kasi si Tatay, baka hanapin po ako noon.”

Lumitaw ang napakaputing mga ngipin mula sa anino ng payong sa mukha ng lalaki. “A, mabilis lang naman tayo. At huwag kayong matakot, nag-aalala lang ako sa inyo habang pinapanood ko kayo mula sa bahay ko,” sabi ng lalaki, sabay turo sa isang napakalaking bahay sa kalye. Nagtaka ang mga bata. Ngayon lang nila napansin ang bahay na yaon, samantalang tuwing Sabado ay dinaraanan nila ang kalyeng ito pauwi. “Wala kayong dapat katakutan,” ulit ng lalaki. Pinakita niya ang kulubot niyang mukha. “Ako si Midas, matanda na ako at uugod-ugod. Wala akong kayang gawin sa inyo.”

Natawa ang mga bata sa sinabi ni Midas at unti-unti silang nakumbinseng mabuting tao nga siya. “Sige po, pero mabilis lang talaga ha,” sabi ni Dong. “At libre ha. Wala po kaming pera e.”

“Isang iglap lang,” sabi ni Midas. “Baka nga hindi niyo pa mapansing tapos na pala.” Tumango ang mga bata at pumayag na rin sa wakas. Sinundan nila si Midas papunta sa malaki niyang bahay. Totoo nga ang sabi ng lalaki; napakabagal na niyang maglakad at gumegewang-gewang pa sa kaniyang baston.

Bumulaga sa pagpasok ng mga bata sa bahay ang samu’t saring rebulto at pigurin sa sala ng bahay ni Midas. Nabighani sila ng isang pigurin ng tatlong maliliit na batang kamukha nila. Magkakaakbay ang tatlong bata, ang nag-iisang babae sa gitna. Napansin ni Midas ang pagkahumaling ng tatlo sa pigurin at saka inaming siya ang may gawa noon. “Talaga!” sambit ni Nene, hindi makapaniwala sa sinabi ni Midas.

“Oo,” sabi ni Midas na hindi napigilang ngumiti. “Kayo ang inspirasyon ko riyan. Matagal ko na kayong sinusubaybayan tuwing dumaraan kayo sa munti kong bahay.”

“Munti! Sino po ang niloloko ninyo?” sabi ni Dong, sabay tawa.

Napangiti si Midas. “Malaki ang kapalit ng laki ng bahay na ito,” sabi niya. Tumingala muna siya at bumuntonghininga bago muling nagsalita, “Halina nga’t kumain na tayo.” Hinatid ni Midas ang tatlo sa hapag-kainan sa kabilang silid, kung saan may nakahandang apat na mangkok ng umuusok pang lugaw. Napakabango ng mga sahog ng lugaw na iyon, kaya agad namang umupo ang tatlo. Sinundan sila ni Midas at saka sinabi, “O, sige na, kumain na kayo. Ayaw niyong magtagal diba?” Saka nagsimulang lumamon ang tatlo. Kahit si Neneng mahinhin ay nawalan ng modo sa pagkain. Napakasarap naman kasi ng lugaw ni Midas at hindi araw-araw ay nakakakain ng masasarap na pagkain ang tatlo. “Ayos ba ang lugaw?” tanong ni Midas nang matapos sila. Sumang-ayon ang mga bata at muling napangiti si Midas. “Magaling. Ngayon, may aaminin ako sa inyo,” sabi ni Midas. Tumunganga ang tatlo sa kaniya at nag-antay. “Isa akong salamangkero at may nabuo akong silid na puno ng napakamakapangyarihang mahika.” Nagtawanan lang ang tatlong bata. “Hindi ko kayo binibiro, mga bata. Gusto ko sana itong ipasubok sa isa sa inyo. Halina’t sundan niyo ko.”

Dinala ni Midas ang tatlong bata sa isang napakalaking silid, sinlaki ng bahay nina Popoy, na walang laman maliban na lamang sa isang bisikleta sa gitna. Ang bisikleta ay nakapako sa sahig. “Isa sa mga mahika ng kuwartong ito ang pagpigil sa gutom, uhaw, at antok ng mga taong nasa loob. Ang isa pa ay ito: sa bawat sampung ikot ng mga gulong ng bisikletang iyan, makakabuo ka ng isang diyamanteng sinlaki ng iyong kamao,” sabi ni Midas. Nalito ang tatlo kung tatawa ba sila o mamamangha. Seryoso ang tinig ni Midas at parang naniniwala talaga ito sa mga sinasabi niya. “Subalit,” sabi ni Midas, “sa pagkakataong nasimulan na ang pag-ikot ng gulong ng bisikleta, hindi na ito maaaring itigil. Kapag tumigil ka para magpahinga at saka ito muling pinaikot, hindi ka na makakabuo ng diyamante.” Natakot sina Nene at Dong, subalit si Popoy ay nilamon ng pagkasabik. Sa wakas ay matutulungan na rin niya ang nanay niya!

“Gusto kong subukan, Mang Midas,” sabi ni Popoy.

Ngumiti si Midas. “Sigurado ka na ba?”

“Isang gabi lang,” sabi ni Popoy. Hindi pa rin niya matanggal ang malalaki niyang mata mula sa bisikleta. Ito ang susi niya sa kaginhawaan ng kaniyang pamilya.

“Isang gabi!” sambit ni Nene. “Paano kapag hinanap ka nina Tita Emma?”

“Iwanan niyo muna ko, Nene,” sabi ni Popoy. “Kailangan ko ‘to.”

Magpoprotesta pa sana si Nene, pero pinalabas na sila ni Midas. Ngumiti si Midas kay Popoy at tumango naman ito sa kaniya. Sa wakas ay sinara ni Midas ang pinto.

Pinagmasdan muna nang matagal ni Popoy ang bisikleta. Saka siya sumakay rito. Nabuo sa isip niya ang imahe ng nagbabagsakang mga barya mula sa langit. Ito na ang pagkakataon niyang makatulong. Sinimulan niya ang pagpapatakbo sa bisikleta. Matapos ang sampung ikot ng gulong, may lumitaw ngang diyamante mula sa hangin at bumagsak sa palad ni Popoy. Kasinlaki nga ito ng kaniyang kamao, tulad ng sabi ni Midas. Tinignan niya ang repleksyon niya sa diyamante at nakita niyang uhaw na uhaw ang kaniyang mga mata. Hindi niya namalayang nakasampung ikot na muli siya hanggang sa bumagsak ang isa pang diyamante malapit sa sulok ng malaking silid. Tinuloy niya ang pagpapatakbo ng bisikleta; hindi na niya nabilang kung ilang diyamante ang kaniyang nabuo.

Matagal na matagal na nagbisikleta si Popoy. Hindi siya napagod kailanman dahil sa pag-asang pinapangako ng bawat diyamanteng nabuo niya. Wala ring bintana ang silid kaya hindi niya alam kung inabot na ba siya ng umaga. Hindi niya napansin ang bilis ng oras. Puno na ang silid ng mga makikinang na diyamante nang nagdesisyong tumigil na si Popoy. Pumulot siya ng isang diyamante bago lumabas ng silid para ipakita sa kaniyang mga kaibigan at pamilya. Hinanap niya si Midas sa bahay nito, subalit hindi na niya ito makita. At sa labis na pagkasabik ay iniwan na lamang niya ang bahay, saka naglakad papunta sa kaniyang sariling bahay.

Malaki ang pinagbago ng Barangay San Antonio, subalit hindi na ito napansin ni Popoy sa kaniyang pagtakbo. Nang marating niya ang kalye ng kaniyang bahay, natagpuan niya si Neneng naglalakad at napansin niyang higit na siyang mas matangkad dito. Nakakapit ang kamay nito sa braso ng isang matandang babae. “Nene!” sigaw ni Popoy. Lumingon ang nagulantang na mukha ng matandang babaeng kasama ni Nene. “Si Nene po ang tinatawag ko,” sabi ni Popoy. Tumigil sa paglalakad ang matandang babae. Tinitigan niyang mabuti si Popoy. Naluha siya at halos napaluhod.

“Popoy! O, Popoy, ikaw ba ‘yan!” hiyaw ng matandang babae.

“Nene?” tanong ni Popoy. Nalito siya. Ito na ba ang Neneng kalaro niya? Hinimatay ang matandang babae at napasigaw ang batang babaeng kasama niya. Agad namang sumulpot mula sa isang bahay ang isang matandang lalaki at tinulungan ang matandang babae. “Nene!” sigaw ng lalaki. Pinaypayan nito ang mukha ng matandang babae gamit ang kaniyang kamay. Sa gitna ng pagpapaypay ay napatingala siya kay Popoy. Napuno ang mukha niya ng takot na hindi maintindihan. Matagal silang nagtitigan ni Popoy hanggang sa sumigaw ang matandang lalaki, “Popoy!”

“Dong?” tanong ni Popoy. Tumango ang lalaki. Binagabag ng napakaraming tanong ang utak ni Popoy. “Ano ang nangyari? Bakit…”

“Pitumpung taon kang nawala!” sigaw ni Dong. “Hinanap namin ang bahay ni Midas pero hindi namin ito mahanap! Pitumpung taon, Popoy! Pitumpung taon! Diyos ko, patawarin mo kami! Hindi ka namin dapat iniwan sa silid na iyon! O, Diyos ko!” Bumaha ng luha mula sa mga mata ni Dong. Hindi na kinaya ni Popoy ang lahat. Napaluhod siya sa kalsada at nakaramdam ng matinding pagsisisi.

“Ang Nanay at Tatay? Nasaan na sila?” tanong ni Popoy kay Dong. Hindi nakasagot si Dong at kitang kita sa mukha niya ang masamang balita. “Nas’an na sila, Dong!”

“Wala na sila, Popoy. Wala na sina Tita Emma at Tito Boy.”

Nagwala si Popoy sa sinagot ni Dong. Tinapon niya sa malayo ang diyamanteng hawak niya at saka tumakbo nang mabilis pabalik sa bahay ni Midas. Sinumpa niya ang bisikleta nang makapasok siya muli sa silid ng mga diyamante. Pumulot siya ng isang diyamante para magdabog, pero ninakaw ng imahe ng isang matandang lalaki sa diyamante ang atensyon niya. Tinitigan niya ang kulubot na mukha ng lalaki at saka umiyak dahil sa sarili niyang repleksyon. Umalingawngaw sa buong silid ang mga hiyaw ni Popoy hanggang sa nakatulog siya sa pagod.

Nang magising si Popoy sa sumunod na araw ay nasa silid na rin sina Nene at Dong. Nakangiti silang dalawa. “Halina, Popoy,” sabi ni Nene. “At tumahan ka na. Matanda man tayo ay may pag-asa pa. Higit doon, may oras pa tayong maglaro ng patintero.”

“Ang mahalaga ay nakabalik ka,” sabi naman ni Dong, “para matalong muli, Goku! Humanda ka sa super energy ball ko!”

Napangiti si Popoy. At nang nagkunwaring bumubuo nga ng energy ball si Dong, humalakhak siya. Totoo ang sinabi ni Nene. May oras pa para maglaro ng patintero. At yaon nga ang ginawa ng tatlong matatanda. Kahit dalawa lang ang harang at isa lang ang lulusot, naglaro pa rin sila. Nakita sila ni Midas mula sa kaniyang bahay. At, gamit ang isang hampas ng kamay sa hangin, ginawa niyang mga bata muli ang tatlo.

~ by dyeisi on September 20, 2008.

Leave a Reply